Tungkol sa pananakit sa sarili at pagpapakamatay
Kung ikaw o ang kakilala mo ay nag-iisip na saktan ang sarili o magpakamatay, dapat kang humingi ng tulong sa lalong madaling panahon sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga serbisyong may espesyalisasyon sa pamamahala sa krisis at pagpigil sa pagpapakamatay. Puwede mo ring alertuhan ang Twitter team na nakatuon sa paghawak sa mga ulat na nauugnay sa mga account na posibleng nagsasagawa ng mga aktibidad na nauugnay sa pananakit sa sarili o pagpapakamatay kung may makikita kang ganitong uri ng content sa Twitter.
Mga hakbang ng Twitter para sa content na nauugnay sa mga banta ng pananakit sa sarili at pagpapakamatay
Pagkatapos makatanggap ng ulat tungkol sa isang tao na nag-iisip na saktan ang sarili o magpakamatay, makikipag-ugnayan ang Twitter sa apektadong indibidwal para ipaalam sa kanya na tinukoy siya ng isang taong nag-aalala para sa kanya na baka nasa panganib siya. Hihikayatin din namin siyang humingi ng suporta, at magbibigay kami ng impormasyon tungkol sa mga nakalaang online at hotline na resource na puwedeng makatulong.
Kilalanin ang mga palatandaan
Mahirap humusga ng gawi batay lang sa mga online na post, pero may mga posibleng palatandaan o indikasyon na nagpapakita na posibleng nag-iisip ang isang tao na saktan ang sarili o magpakamatay. Narito ang mga tanong na puwede mong itanong sa iyong sarili para makatulong sa pagsusuri kung nag-iisip bang magpakamatay ang isang indibidwal:
Madalas bang mag-post ang taong ito ng content tungkol sa depresyon o mga pakiramdam ng kawalan ng pag-asa?
Nagpo-post ba ang taong ito ng mga komento tungkol sa kamatayan o ang pakiramdam na wala nang ibang opsyon kundi kamatayan?
Nagpo-post ba siya ng mga komento tungkol sa pagtatangkang magpakamatay dati?
Naglalarawan o nagpo-post ba siya ng mga larawan ng pananakit sa sarili o kinikilala ba niya ang kanyang sarili bilang suicidal?
Nabago ba kamakailan ang kanyang mood at ang content na pino-post niya?
Kung nag-aalala ka sa tao at kilala mo siya, posibleng makatulong ang personal na pakikipag-ugnayan sa kanya at ang paghikayat sa kanya na humingi ng payo mula sa mga nakalaang serbisyong posibleng makatulong. Kung hindi mo naman siya kilala, puwede ka pa ring makipag-ugnayan sa kanya para sabihin ang iyong pag-aalala o para mag-refer sa kanya ng mga nakalaang organisasyon, suicide hotline, o taong posibleng kilala siya nang personal. Kung hindi ka kumportableng makipag-ugnayan sa kanya nang personal o hindi ka sigurado kung paano makikipag-ugnayan sa kanya, puwede mo ring alertuhan ang Twitter gamit ang nakalaan naming daloy para sa pag-uulat.
Pamamahala sa mga karanasan sa pananakit sa sarili at pag-iisip na magpakamatay
Kung nag-iisip kang saktan ang sarili o magpakamatay, o kung nakakaranas ka ng depresyon o pagkabalisa, posibleng makatulong ang pakikipag-usap sa mga taong pinagkakatiwalaan mo o ang pagkonekta sa mga nakalaang organisasyong puwedeng makapagbigay sa iyo ng suporta at tulong para harapin ang mga karanasang ito. Puwede kang kumonsulta sa mga resource na ito para sa payo sa iba't ibang paksa, kabilang ang depresyon, pag-iisa, pang-aabuso sa droga, karamdaman, mga hamon sa relasyon, at mga pinansyal na problema.
Iba-iba ang sintomas ng depresyon, at milyon-milyong tao ang naaapektuhan nito kada taon. Kabilang sa mga karaniwang sintomas ang kalungkutan, kawalan ng interes sa mga aktibidad, mga pagbabago sa gana sa pagkain at pattern ng pagtulog, pagiging matamlay, hirap sa pag-iisip, at puwede ring pag-iisip na magpakamatay. Puwedeng maging kapansin-pansin sa iyo ang mga ganitong uri ng mga gawi, o puwedeng hindi halata ang mga ito. Halata man o hindi, huwag mong balewalain ang mga ito.